Hindi inasahan ng mag-asawang sina Bing at Edgar Sablay, mga frontliner sa United Kingdom, na makukuha nila ang sakit na COVID-19 at malalagay sa peligro ang buhay ng isa sa kanila.
Sa Brigada Special Online Series na "Frontliners," itinampok ang kuwento nina Edgar at Bing, na 18 taon nang nagtatrabaho sa UK at magdiriwang ng ika-21 taong anibersaryo ng kanilang kasal sa Agosto.
Marso nitong taon nang maging COVID hospital ang pinagtatrabahuhan nilang pagamutan.
Abril 4 nang makaramdam na si Bing ng kakaibang fever. Matapos ang dalawang araw, nagpakita na rin ng sintomas si Edgar.
Kinalaunan, pareho silang nakumpirmang may COVID-19.
"Nag-fear ako sa sarili ko. High-risk ako, may obesity ako, meron akong mild asthma, tapos meron akong sleep apnea. Baka hindi makayanan ng katawan ko," paglalahad ni Bing.
Makalipas ang isang linggo, bumuti ang lagay ni Bing, pero si Edgar naman ang tuluyang pinahina ng ubo, lagnat at diarrhea.
Hanggang sa lagyan na si Edgar ng Continous Positive Airway Pressure (CPAP) para sa kaniyang paghinga.
"Three days na nasa ward ako, worst nights ko talaga 'yun. As in hindi ako makatulog, hindi ako makahinga. As in para kang may severe asthma," kuwento ni Edgar.
Hindi bumuti ang lagay ni Edgar matapos ang tatlong araw kaya dinala na siya sa Intensive Care Unit. Abril 17 nang kinailangan na siyang patulugin at i-intubate.
"Sabi ko sa kanila, bago niyo ako patulugin, make sure na tawagan niyo 'yung asawa ko at i-inform sila everyday," sabi ni Edgar.
Paglalahad ni Bing, "Ang problema ko paano kung mag-deteriorate? Paano kung mag-organ failure? Paano kung 'di na siya magising? Alam mo 'yung ganu'ng fear?... Alam mo 'yung at that time, kaya du'n na lang 'yung fear ko, 'Uuwi pa kaya 'yun? O hindi na?'"
"Di man lang kami nag-goodbye or something. Paano na 'to? Sabi ko, uuwi na lang ako sa Pilipinas kasi wala rin namang silbi ang buhay ko dito kung ako lang," dagdag ni Bing.
"This is the darkest days of my life; na nangyari sa aming dalawa," ayon pa sa ginang.
Matapos ang 10 araw na pagka-intubate, bumuti na ang lagay ni Edgar. Naisip niyang i-text ang kaniyang asawa.
"Hi, Babe! I'm back to life! Thank God sa mga prayers," text daw ni Edgar kay Bing.
Determinado raw si Edgar na gumaling agad dahil gusto pa niyang maipagdiwang ang kaarawan ni Bing.
"Kahit 'yung mga nurse doon, sinasabi ko sa kanila, 'I want to go home.' Kasi nga I want to celebrate also with my wife sa kaniyang 50th birthday," sabi ni Edgar.
Mayo 5 nang ma-discharge na si Edgar sa ospital.
"Ako'y natutuwa na magkasama uli tayo, Be. Ako'y nagpapasalamat at pinabalik ka ng Panginoon sa akin," mensahe ni Bing kay Edgar.
"Masaya ako kasi kumbaga nandito pa rin ako, magkasama kami. And then we'll enjoy the life and we'll enjoy travelling. I love you, Bing-Bing," mensahe ni Edgar kay Bing. --FRJ, GMA News