Inilahad ni Presidential Spokesperson Harry Roque kamakailan lamang na mayroon nang general trend ang Pilipinas ng "flattening of the COVID-19 curve." Ngunit ayon sa datos ng isang international organization, "need to take action" pa rin ang bansa dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng mga kaso.
Sa Stand For Truth, makikita sa graph analysis ng EndCoronavirus.org na "need to take action" pa rin ang Pilipinas dahil umabot na sa mahigit 10,000 ang COVID-19 cases at patuloy pa ring tumataas.
Ayon pa rito, malayo ang Pilipinas sa mga bansang naitala bilang "winning" at "nearly there" pagdating sa flattening of the curve.
Nagpaabot ng P298 million na dagdag na tulong ang Amerika sa Pilipinas para labanan ang COVID-19, kasama na rito ang partnership ng Agency for International Development (USAID) sa 18 LGUs na pinakaapektado sa bansa.
Kasama sa mga ipinaabot na tulong ang P44 million na pambili ng medical supplies at expansion ng hospital capacity mula sa US Department of State Bureau of Population, Refugees and Migration para sa International Committee of the Red Cross.
Sumatotal, aabot na sa mahigit P768 million ang ayuda ng Amerika sa Pilipinas sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Samantala, nasa 75% pa lamang ang naibibigay mula sa Social Amelioration Program sa kabila ng magdamag na pila ng mga tao para makakuha ng cash assistance mula sa gobyerno. Kaya muling nag-extend ang DILG ng deadline ng distribution hanggang May 10. —Jamil Santos/LBG, GMA News