Ngayong ipinatupad ng ilang kompanya ang work from home na setup dahil sa enhanced community quarantine, nauso ang paggamit ng application na Zoom para sa mga teleconferencing. Pero kasabay naman nito ang pag-usbong ng modus ng mga hacker para manggulo ng mga meeting at posible pang gamitin ang impormasyon ng mga user. Gaano nga ba kaligtas na gamitin ang ganitong app?
Sa ulat ni Manal Sugadol sa "Stand For Truth," sinabing nitong buwan ng Marso, umabot sa 100,000,000 ang downloads ng Zoom Cloud Meetings.
Pero sa pagdami ng users, dumami rin ang modus ng hackers ng Zoom.
Tinawag ng mga awtoridad na "Zoom bombing" ang pangha-hijack ng mga hacker at kanilang panghihimasok sa mga ongoing na video call.
Ayon sa ulat ng ilang nabiktima, may bigla na lamang sisingit na pornographic images at nagbabanta pa ng kamatayan kung minsan.
Ipinaliwanag ni Dr. Marlon Tayag, Assoc. Professor III ng Holy Angel University, walang end-to-end encryption privacy ang Zoom kaya madali para sa mga hacker na sumali sa mga conference.
Dahil libre rin ang software, posibleng makompromiso ang online security ng mga gumagamit ng app.
"It's free but you're giving up your data without you even knowing it. That's the same with other teleconferencing tools," ayon pa kay Tayag.
Sinabi naman ni Mark Nicdao, Founder/System Developer ng Tigernet Hosting and IT Services, na may cost-risk ang madalas na pagbalewala sa terms of agreement sa pag-download ng mga application, at maaari pang maging target ng data selling ang isang user dahil sa pagbabahagi ng kaniyang e-mail, social media passwords, at personal information.
At dahil naibigay ng isang user ang kaniyang impormasyon, maaari umanong ma-access ang kaniyang credit cards, confidential documents at iba pa.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News