Naging viral online kamakailan ang video sa pagdakip sa isang tricycle driver na nagpumilit na bumili sa palengke sa isang barangay sa Caloocan City kahit pa may dala siyang quarantine pass mula naman ibang barangay na kaniyang tinitirhan.
Sa Stand For Truth, ikinuwento ni Ryan Richard Ramos na sumama ang loob niya nang hindi siya pinapasok sa palengke dahil taga-ibang barangay siya. Katwiran niya, ang naturang palengke ang malapit sa kanila at talaga siya namimili.
Hanggang sa nagkaroon na ng tensyon sa pagitan ni Ramos at ng mga bantay ng palengke kung saan nagkamurahan, dinamba umano siya at pinosasan. Pagdating sa barangay, ikinulong na siya ng mga opisyal at pinagmumulta ng P5,000.
Ipinaliwanag ni Rolly Cebu, Executive Officer ng Brgy. 176, na para lamang sa kanilang mga residente ang pamilihan .
Ayon pa kay Cebu, nagmura raw, naghamon at nanuntok pa si Ramos, pero itinanggi ng tricycle driver ang panununtok.
Pero paliwanag ng DILG-Barangay Affairs Undersecretary Martin Dino, mali ang patakaran ni Cebu sa ganitong sitwasyon at dapat niyang pinairal ang pang-unawa.
Panoorin ang pahayag ng DILG at ng isang legal expert sa insidente ng tricycle driver at ng barangay.--Jamil Santos/FRJ, GMA News