Papalapit na naman ang Hunyo 12, isang araw na mahalaga para sa Republika ng Pilipinas—ang Araw ng Kasarinlan. Para sa taong 2017, pangungunahan ito sa unang pagkakataon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ang Paglilipat ng Araw ng Kasarinlan

Mula sa pagsisimula ng ikatlong Republika hanggang 1961, ang araw ng kasarinlan ay ipinagdiriwang batay sa petsa ng pagsasauli ng Amerika sa kalayaan ng Pilipinas, 4 July 1946. At dahil Independence Day din ito ng mga Amerikano, marami sa mga importanteng bisita na inaanyayahan ay hindi makapunta dahil naroon sila sa pagdiriwang ng mga Amerikano.

At simbolikal din ang petsa na ito dahil kahit na iniwan na tayo ng mga Amerikano, tila isa pa rin tayong neo-kolonyal na nakatali ang interes sa kanilang interes.

Isang retiradong propesor ng Kasaysayan ng UP at dating mambabatas mula sa Romblon na si Propesor Gabriel F. Fabella, ang nanguna sa kampanya na ilipat ang Independence Day mula July 4 patungong June 12, ang petsa ng proklamasyon ng ating kasarinlan habang nagwawagi ang mga rebolusyunaryong Pilipino laban sa mga Espanyol noong 1898, na ipinroklama ni Heneral Presidente Emilio Aguinaldo.

Isa si Fabella sa tagapagtatag ng Philippine Historical Association, at sinuportahan naman siya. Sa pangunguna ni Pangulong Esteban de Ocampo, ng Lupon ng mga Gobernador ng Kapisanan, naglabas sila ng malakas na resolusyon na humihiling sa Pangulo ng Pilipinas noong 24 March 1960 na ilipat ng Araw ng Kasarinlan.

 

Noong 12 May 1962, matapos hindi aprubahan ng Kongreso ng Amerika ang karagdagang $73 milyong na war payment para sa mga Pilipino, inilabas ni Pangulong Diosdado Macapagal ang Proclamation no. 28, na nagtatakda na gawing public holiday ang June 12 bilang Independence Day. Isang batas na tuluyang nagsesemento ng paglilipat na ito ng petsa ay isinulong ni Congressman Ramon Mitra, Sr. ng Mountain Province, ang pinirmahan ni Macapagal noong 4 August 1964.

Sa unang pagdiriwang noong 12 Hunyo 1962, itinaas pa ni Macapagal ang kamay ng Pangulo ng Unang Republika ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo.

 

(Sina Pangulong Diosdado Macapagal at Pangulo ng Unang Republika ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo)

Sa mga naunang dekada, madalas na may parada na ginaganap sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at sa mismong Luneta Grandstand. Tinatawag itong civic-military parade na kinatatampukan ng iba’t ibang mga grupo at mga opisina ng pamahalaan, gayundin ang pagmamartsa ng iba’t ibang sangay ng ating sandatahang lakas bilang pagpapakita ng kanilang kakayahan at mga bagong kagamitan. Ipinapalabas ito ng live sa telebisyon.

Noong 1998, sa taon ng sentenaryo ng proklamasyon ni Aguinaldo, nilahukan nito ng maraming mamamayan, nagkabit tayo ng mga bandila sa ating mga tahanan at naging interesado tayong balikan ang ating kasaysayan.

 

Ngunit mas madalas sa kasalukuyan ay wala nang pakialam ang mas nakararami sa mga pagdiriwang. Sa panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, anak ni Pangulong Diosdado, tinanggal na ang mga parada sa ngalan ng praktikalidad, pinalitan ng mga “job fair” at mga “housing fair” sa Rizal Park, Maynila at sa Kawit, Cavite. Sabagay, ang diwa naman ng kasarinlan ay magkaroon ng kaginhawaan. Gayundin, ang mga mahahalagang araw ng paggunita ay inililipat na patungong Lunes upang tumalima sa tinatawag na “Holiday Economics” ng “long weekend.”

Ang kahulugan ng Arrival Honors at Wreath-Laying

Ang pangunahing hindi nawawala tuwing umaga sa Araw ng Kasarinlan sa mga nagdaang taon ay ang pagtataas ng bandila ng Pangulo ng Pilipinas sa lugar na kaniyang mapipili. Ngunit madalas, isinasagawa sa kung saan mismo itinaas ang bandila ng Pilipinas noong 4 Hulyo 1946, sa Independence flagpole sa harapan ng Monumento ni Jose Rizal sa Luneta.

Sinisimulan ito sa pamamagitan ng arrival honors kapag mayroong mahalagang paggunitang pambansa at panauhing pandangal sa okasyon—ang Pangulo ng Pilipinas. Kahit laging napapanood sa telebisyon, madalas hindi nakikita ng marami na tigib ito sa simbolismo. Batay ang protocol na ito na ginagawa rin sa ibang bansa lalo na sa Estados Unidos.

Sa pagdating ng pangulo, sasamahan siya sa pagsaludo ng pinunong militar, tutunog ng apat na ulit ang tinatawag na “Ruffles and Flourishes”—apat na beses na pag-ulit sa maikling musika bilang pinakamataas na paggalang sa panauhing pandangal.

Matapos nito, patutugtugin ang “Parangal sa Pangulo,” isang awit na kinatha noon lamang 2013 ni Major Xavier Celestial ng Presidential Security Group Band, na tila isang dasal at pagbabasbas ng bayan sa kaniyang pinuno. May mga titik ito na “Pangulo ng bansang Pilipinas / Kaming lahat ay nagpupugay / Mamamayan sa buong sambayanan / Ika'y nagsisilbing gabay/ Ang hiling namin kay Bathala / Basbasan ang pangulo naming tinanghal / Upang bansang Pilipinas / kaunlaran, kapayapaan ay makamtan.”

Matapos nito, lalakad ang pangulo at ang pinunong militar upang inspeksyunin ang mga kawal “Review of the Troops.”

Ayon kay John Ray Ramos, guro ng kasaysayan sa Far Eastern University Diliman at naging kasapi ng UP ROTC:

“Ang mga parangal militar ay isinasagawa upang magbigay-pugay sa mga pambansang simbolo o mga natatanging mga indibidwal sa isang mahalagang okasyon; Itanghal ang proficiency at ang kalagayan ng pagsasanay ng mga tropa at nagpapalakas ng teamwork at pride sa Sandatahang Lakas. Gayundin, ito ay isang testimonial, o pagbibigay-pugay sa nasyon at sa pangulo, bilang commander-in- chief at pinakamataas na kinatawan ng bayan. Simboliko ito na naglilingkod sila sa bayan sa ilalim ng commander-in- chief na hinalal ng bayan o yung tinatawag na ‘civilian supremacy over the military.’ Kumbaga, bayan ang pinaglilingkuran ng Hukbong Sandatahan sa ilalim ng pangulo na siyang dapat na pangunahing tagapagtaguyod ng interes ng bayan.”

Ang mga pangulo ang pumipili ng musika ng kanilang pagmartsa. Noong panahon ni Pangulong Joseph Estrada, pinili niya ang komposisyon nila ni Hernani Cuenco na “Kahit na Magtiis,” habang si Pangulong Noynoy Aquino naman ay ang martsang “Blue Eagle, The King,” ang awit para sa varsity ng Ateneo de Manila, ang paaralang pinagmulan ng pangulo, na kinatha ni Raul Manglapus noong 1939. Ang pinatutugtog naman para kay Pangulong Duterte ay ang “Rodrigo Duterte March” na kinatha rin ni Major Celestial ng PSG.

Matapos nito, dadako sa pagtataas ng watawat na pangungunahan ng Pangulo at ng mga matataas na opisyales ng ating pamahalaan. At matapos nito ay ang “Wreath Laying”—ang pag-aalay ng bayan, na kinakatawan ng pangulo, sa mga bayaning nagbuwis ng buhay sa pagbubuo ng bansa sa saliw ng “Pilipinas Kong Mahal.”

Ayon sa website ng Arlington Cemetery, ang libingan ng mga sundalo sa Estados Unidos, “The floral tributes at funerals bespeak both the beauty and the brevity of life and evoke memories of other days.”

Kapag nailagay na sa harapan ng bantayog ang bulaklak, magkakaroon ng tatlong drum roll na susundan ng 21-gunned salute, ang pinakamataas na parangal para sa isang bayani. Susundan ito ng bugle call na tinatawag na “taps,” pinatutugtog ito bilang hudyat na maaari nang matulog ang mga sundalo at payapa na ang lahat para sa gabi. Parangal ito sa mga bayaning habang panahon na ang pagtulog.

Ang mga rituwal na ito ay hindi lamang pagpupugay sa pangulo, kundi maging sa mga bayani at sa Inang Bayan na kinakatawan ng kaniyang tanggapan.

Kahalagahan ng mga ritwal

Sa isang papel na aking inilathala sa Social Science Diliman, “Ang Paghiraya sa Nasyon: Ang Mga Pagdiriwang ng Anibersaryo ng Komonwelt Ng Pilipinas (1936-1941)” aking ipinakita na dahil ang nasyon ay isang hinirayang (“imagined”) pulitikal na pamayanan, na ayon kay Benedict Anderson ay kinatha ng mga Propagandistang nag-aral sa Espanya na tulad nina Jose Rizal, na sa aking pagdadagdag ay binigyan ng mas Pilipinong anyo at wangis ng Katipunan ni Andres Bonifacio, kailangan nito ng mga ritwal na magpapaalala sa atin na dapat tayong magkaisa bilang bansa.

Para naman sa Polakong si Krzysztof Gawlikowski, ang mga nasyon ay umiiral, subalit ang batayan nito ay mitolohiya. Ang Nasyon ay isang “Mitolohikal na Nilalang”—nagkakaisa ang mga mamamayan bilang nasyon batay sa mga simbolo at ritwal. Tulad sa relihiyon, halimbawa ang krus para sa mga Kristiyano, ang Banal na Quar’an para sa mga Muslim, ang totem pole para sa mga katutubo sa Canada. Umiikot sila sa mga simbolong ito at nadarama nila ang pagkakaisa. Tulad din kapag umaawit tayo bilang bansa ng iisang pambansang awit, tumitingala sa iisang bandila, at dinadakila ang ating mga bayani, naaalala natin ang ating pagkabansa.

Ang Araw ng Kasarinlan ay rituwal ng pagkabansa nating mga Pilipino kung saan ang ating punong saserdote ay ang pangulo ng Pilipinas.

 

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng History Department ng Pamantasang De La Salle Maynila at ang Public Relations Officer at kasapi ng Lupon ng Philippine Historical Association.  Isa siyang historyador at naging consultant ng mga GMA News TV series na “Katipunan” at “Ilustrado.”