Sugatan ang dalawang mangingisda sa nangyaring magkasunod na pag-atake ng buwaya sa isang barangay sa Panglima Sugala, Tawi-Tawi.
Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, makikitang nagtamo ng mga sugat sa braso ang 60-anyos na biktima dahil umano sa kagat ng buwaya.
Inaasikaso umano ang biktima ng seaweeds sa Barangay Buan kaninang umaga nang sakmalin siya ng buwaya.
Nagawa ng biktima na makaligtas sa pamamagitan ng pagpalo niya ng sagwan sa buwaya.
Dinala ang biktima sa isang ospital sa Bongao para magamot ang kaniyang mga sugat.
Bago nito, isang 53-anyos na namamana naman ng isda ang inatake rin ng buwaya sa kaparehong barangay noong Martes.
Nakaligtas ang naturang mangingisda nang tulungan siya ng isa pang mangingisda.
Nagtamo naman siya ng mga sugat sa likod, balikat at braso.
Binigyan ng first aid ng Marine Battalion Landing Team-12 (MBLT-12) ang biktima bago dinala sa isang ospital.
“Bigla po siyang inatake ng buwaya. Tatlong beses po siyang inatake…hindi po niya nakita,” sabi ni Hafiz Dionga Lee, isang residente na nag-upload ng video sa nangyaring insidente.
Muling nakita ng mga residente ang buwaya nitong Miyerkules ng hapon pero hinayaan lang nila.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Panglima Sugala, itinuturing crocodile-infested areas ang mga barangay ng Buan, Karaha, Balimbing, Dungon, Kulape, at Malacca.
Mula nitong nakaraang Enero, apat na insidente ng crocodile attacks ang nangyari sa bayan na pawang nakaligtas ang mga biktima.
Magsasagawa naman ang MDRRMO ng pagsasanay sa bayan sa paghuli sa buwaya.
“Nag-coordinate na rin kami ng MENRE and fortunately, darating yung grupo ng trainors from Philippine Biodiversity, magka-conduct ng training doon sa Brgy. Buan, or mismo sa mga crocodile-infested barangay,” ayon kay Sarimar Atara, MDRRM Officer. -- FRJ, GMA Integrated News