Naging emosyonal si Liezel Lopez nang ibahagi na hindi maayos ang pakikipag-ugnayan niya sa kaniyang mga magulang.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, tinanong ng King of Talk sina Liezel at Chariz Solomon kung mayroon silang kasalanan sa kanilang pamilya, at kasalanan ng pamilya sa kanila.

"Nagtanim ako sa kanila ng galit talaga," lahad ni Liezel. "Ayokong magalit pero nagagalit ako kasi they didn't learn from what happened when they had me."

Hindi nagbigay ng detalye si Liezel kung ano ang dahilan ng ikinagalit niya sa kaniyang ama't ina, pero inihayag niya na nais niyang maging mabuting magulang ang mga ito sa kaniyang mga kapatid.

"Kung sakaling hindi nila maibigay sa akin at least bawi sila to my brothers. I know na parang nag-i-struggle pa rin sila with that," ayon sa aktres.

Sinabi pa ni Liezel na nahihirapan siyang sumagot kapag may nagtatanong kung bakit malayo siya sa kaniyang mga magulang dahil ayaw niyang lalo pang magalit.

"I think it's really bad na magtanim ng galit to your parents kasi 'yung nga ang sabi nila na pagbali-baliktarin mo man ang mundo, parents mo pa rin sila," umiiyak niyang paliwanag.

Kahit malayo siya sa kaniyang mga magulang, gumagawa raw ng paraan si Liezel na tumulong sa pamamagitan ng pagsuporta sa kaniyang mga kapatid.

"So ako po ang nagso-shoulder po sa mga kapatid ko para matulungan ko sila. So dahil ganoon 'yung dynamics namin, I can only love them from afar which is bad but I have to accept na we can't really be together kasi hindi nila ako pinapakinggan bilang anak," patuloy niya.

SI Chariz, inamin din na hindi siya masyadong malapit sa kaniyang mga magulang dahil bata pa lang siya nang umalis ang mga ito.

"Six years ako yung mama ko wala na dito sa Pilipinas, yung tatay ko four-years-old pa lang ako umexit na rin," kuwento niya.

Mas malapit pa raw di Chariz sa mga nanay ng kaniyang mga kaibigan.

Kabilang sina Liezel at Chariz sa cast ng pelikulang "Samahan ng mga Makasalanan," na kasama rin sina David Licauco, Sanya Lopez, Joel Torre, Buboy Villar, at iba pa, na ipalalabas sa mga sinehan sa April 19. —FRJ, GMA Integrated News