Tumilapon at bumagsak sa bakuran ng isang bahay ang lalaking angkas ng isang motorsiklo na bumangga sa pader na bakod sa Banate, Iloilo. Ang rider nito, naiwang nakaupo sa motorsiklo na naipit sa pader.

Sa ulat ni  Julius Belacaol sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Alacaygan, dakong 11 pm noong April 13.

Sa CCTV footage na kuha mula sa loob ng bakuran, makikita ang pagbangga ng motorsiklo sa pader at pagbagsak sa bakuran ng angkas na si Mark Christ Alonday, 21-anyos.

Ayon sa pulisya, naiwan naman sa motorsiklo na naipit sa pader ang rider nito na si Lengie Bersabal, 21-anyos din.

Parehong residente sa bayan ng Estancia ang dalawang Criminology students, na papunta umano sa Iloilo City nang mangyari ang insidente para sana sa enrollment ngayong Lunes.

“Tumawid ang kanilang motor papunta sana sa kabilang lane at sumalpok sa pader,” ani Staff Sergeant Merille Igona, investigator ng Banate Municipal Police Station.

Sa kasamaang palad, binawian ng buhay si Bersabal, habang sugatan naman pero nakaligtas si Alonday.

“Nang bumangga ang motor sa pader, andiyan pa ang driver, nakaupo pa sa kaniyang motorsiklo pero unconscious siya,” sabi ni Igona.

Hinihinala ng pulisya na nawalan ng kontrol ang rider sa motorsiklo kapag sumalpok sa pader. -- FRJ, GMA Integrated News