Hindi na nakadalo sa recognition rites ng kanilang paaralan ang isang babaeng Grade 11 student matapos na masawi nang mabundol ng isang motorsiklo sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, kinilala ang biktima na si Tricia Claire Abigos, 17-anyos, residente sa Barangay Duyong.

Ayon kay Police Lieutenant Julfre Ayson, Intel and Investigation Officer ng Calasiao Police station, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at nobyo nito noong Biyernes ng gabi.

"Yung boyfriend niya paalis na so sinubukan 'tong pigilan nung biktima. Tapos nagkataon na may parating na motor so nahagip po yung biktima," ayon kay Ayson.

Nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang biktima at hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Panganay sa tatlong magkakapatid ang biktima, na ayon sa kaniyang lola na si Helen, pangarap na maging flight attendant, at pag-aralin ang mga nakababatang kapatid.

Ayon sa pulisya, nagkaroon na ng pag-uusap ang rider ng motorsiklo at ang pamilya ng biktima.-- FRJ, GMA Integrated News