Patay na at hinihinalang ginahasa ang isang 13-anyos na babae nang matagpuan sa ilalim ng altar ng isang kapilya sa Baybay City, Leyte. Ang suspek, naaresto sa follow-up operation.
Lunes ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktimang Grade 7 student, na unang iniulat ng kaniyang pamilya na nawawala matapos hindi makauwi noong Linggo.
Naging suspek sa krimen ang 37-anyos na residente sa lugar, na ayon sa inilabas na pahayag ni Baybay City Police Station Chief Police Lieutenant Colonel Nerro Hobrero, ay naaresto sa follow-up operation sa bayan sa Mondragon, Northern Samar.
"The arrest, carried out on March 18, 2025, was the result of exhaustive investigative efforts and coordination between Baybay CPS and Mondragon MPS. A hot pursuit operation, involving joint elements from the 1st and 2nd Leyte Provincial Mobile Force Companies and augmented personnel from nearby municipal police stations, was pursued," saad sa pahayag na naka-post sa Facebook.
Sa hiwalay na pahayag ng Mondragon Municipal Police Station sa ilalim ni Police Major Al- Shamir Hamin, acting chief of police, inaresto ang suspek sa bisa ng arrest warrant para sa hiwalay na kasong attempted rape noong 2022.
Nakuha umano sa suspek ang isang cellular phone na pag-aari ng biktima.
"We continuously pursue our mandate against wanted persons with the collaboration of the community and other law enforcement unit to sustain peace and order and relentless pursuit of justice," ayon kay Hamin.
Ito na ang ika-apat na kaso ng pagpatay at hinihinalang paggahasa na nangyari sa loob lang ng isang linggo.
Noong nakaraang Miyerkules, nakita ang bangkay ng 23-anyos na turistang Slovak na si Michaela Mickova, sa isang abandonadong kapilya sa Boracay.
Basahin: Nawawalang turistang Slovak woman, nakitang patay sa Boracay
Nitong weekend, nakita naman sa masukal na bahagi ng Lupi, Camarines Sur, ang bangkay ng 10-taong-gulang na babae na hinihinalang ginahasa rin.
Basahin: 10-anyos na babae, natagpuang patay at hinihinalang ginahasa sa CamSur
Nitong nakaraang linggo naman nang makita ang bangkay ng isang pitong-taong-gulang na babae sa inihulog sa isang balon sa Butuan City
Dinukot mula sa kanilang bahay ang biktima.
BASAHIN: Batang babae, dinukot mula sa bahay, ginahasa, pinatay at inihulog sa balon sa Butuan City
Nadakip na rin ang mga suspek sa nangyaring krimen sa Butuan at Camarines Sur, habang dalawa naman sa tatlong persons of interest sa krimeng nangyari sa Boracay ang nasa kustodiya ng mga pulis.
Nitong Martes, iniulat na isa sa mga POI ang umamin sa krimen at sinabing ginahasa ng kaniyang kasama ang biktima, at isa pa ang pumalo naman sa ulo ng dayuhang turista. -- FRJ, GMA Integrated News