Dalawang bangkay ng lalaki ang magkahiwalay na nakita sa Bataan at Ilocos Norte. Ang isa sa mga bangkay, naagnas na.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nakita ang naaagnas na bangkay sa isang pribadong lote sa Barangay Nagbalayo sa Morong, Bataan.

Nakadapa ang bangkay nang matagpuan na inaalam ng mga awtoridad kung papaano nakapunta sa lugar na restricted area.

Dahil walang nakitang dugo sa bangkay at sa paligid, hinihinala umano ng mga awtoridad na maaaring inatake ng sakit o natuklaw ng ahas ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.

Sa palayan naman sa Barangay Maananteng, sa Solsona, Ilocos Norte, nakita ang isang bangkay lalaki na nakilala kinalaunan na si Gilbert Galang, 46-anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nakilamay ang biktima sa namatay na kamag-anak at nakipag-inuman.

Pero habang pauwi, hinihinala na inatake siya ng sakit na epilepsy hanggang sa nahulog sa palayan.

Nakita ng residente ang bangkay at itinawag sa awtoridad na nagsagawa naman ng imbestigasyon.

Lumalabas sa pagsusuri sa bangkay na walang nakitang foul play sa pagkamatay nito.

-- FRJ, GMA Integrated News