Natagpuan na duguan at nakahandusay sa loob ng isang banyo sa isang paaralan sa Cebu City ang isang 14-anyos na dalagita na ginilitan umano ng dati nitong nobyo na 18-anyos.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang pinsan ang nakakita sa biktima na may sugat sa leeg.
May mga pasa rin umano sa likod ang dalagita na mapalad na nabuhay at nagpapagaling na sa ospital.
Naaresto naman ang suspek na Grade 10 student na nag-aaral sa paaralan na pinapasukan din ng biktima.
Ang pakikipag-break ng biktima sa suspek ang nakikita ng mga awtoridad na motibo sa krimen.
Itinanggi naman ng mga pulis ang kumalat sa social media na espekulasyon na nagalit ang suspek sa biktima dahil tumanggi umano ang dalagita na makipagtalik.
Sasampahan ng reklamong frustrated homicide ang suspek na walang ibinigay na pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News