Kinailangang iangat ng isang pamilya ang kabaong ng kanilang pumanaw na lola sa mataas na parte ng kanilang bahay para hindi ito anurin ng baha sa kasagsagan ng Bagyong Kristine sa Naga, Camarines Sur.
Sa ilang larawang ibinahagi ni Danice Audrey Abante sa GMA Integrated News, makikitang sa mataas na bahagi ng tahanan muna pansamantalang nakaburol ang mga labi ng 75-anyos na lola nilang si Elizabeth Abante, na pumanaw noong Oktubre 21, dahil sa sakit sa puso.
Paglalahad ni Danice, umabot sa leeg ang antas ng baha sa kanilang bahay kaya nagdesisyon silang itaas na ang ataul ng kaniyang lola.
Samantala, hindi naman mapababa sa puwesto sa itaas ng bahay ang kaniyang lolo sa pagbabantay sa kaniyang lola.
“Wala na ibang choice, la. Sana naiintindihan mo,” mensahe ni Danice sa yumaong lola.
Iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado na 81 katao na ang napaulat na namatay matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine, na may international name na Trami. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News