Patay ang isang negosyante, habang sugatan ang kaniyang asawa matapos silang pagbabarilin sa kanilang tindahan ng bigas sa Manabo, Abra. Ang mga suspek, naaresto sakay ng pick-up truck na pag-aari ng isang konsehal na itinangging sangkot siya sa krimen.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, nagpanggap umano na mga kostumer ang mga salarin nang pagbabarilin ang mag-asawang biktima sa kanilang tindahan sa Barangay San Ramon West, nitong Martes ng 1:00 pm.
Idineklarang dead on arrival sa pagamutan si Rodel Bermudez, habang sugatan ang kaniyang misis na si Zoraida, na isang barangay kagawad.
"Base sa mga witnesses natin, nakita nila na nasa loob sila ng kanilang puwesto ng bigasan [yung mga biktima], nang mayroong riding-in-tandem, bumaba 'yung backride at pinagbabaril na ang mga biktima," ayon kay Police Captain Rovisco Dulnuan, acting chief of police ng Manabo Municipal Police Station.
Nadakip naman sa hot pursuit operation ng mga pulis ang mga suspek sa Barangay Layugan sa bayan ng Bucay, sakay ng isang motorsiklo at isang pickup truck.
"Bale base sa impormasyon, dalawa sila na nagco-convoy, nauna lang yung motor," sabi ni Police Major Bede Dakiwas, acting chief of police ng Bucay Police Station.
Isa ang nakasakay sa motorsiklo, habang lima naman ang nakasakay sa pickup truck.
Nakuha sa pickup truck ang tatlong baril na kalibre .45, isang baril na kalibre .25, at mga bala.
Pag-aari ng isang konsehal na si Jansen Sales ang pickup truck pero itinanggi niyang may kinalaman siya sa krimen.
Ayon sa konsehal na itinuturing person on interest, patungo sila sa Bangued kasama ang kaniyang pinsan at anak na menor de edad nang makisakay sa kanila ang dalawang lalaki.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang kinalaman ng mga naaresto sa nangyaring krimen, at kung bakit pinagbabaril ang mag-asawa.--FRJ, GMA Integrated News