Nadakip na kaninang madaling-araw ang rider na tinakbuhan ang lalaking na kaniyang nabundol at napatay habang tumatawid ang biktima sa pedestrian lane sa Lipa City, Batangas.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing Lunes ng umaga nang mabundol ng rider ang 67-anyos na biktima na ilang hakbang na lang sana at makakatawid nang salpukin ng motorsiklo.

BASAHIN: Lalaking tumatawid sa pedestrian lane, patay sa bundol ng motorsiklo

Parehong tumilapon ang biktima at ang rider, pero ilang saglit lang, bumangon ang rider at itinayo ang kaniyang motorsiklo at umalis.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Ayon kay Police Lieutenant Clint Adora , Chief PCR and PIO ng Lipa City Police Station, sa tulong pagsusuri ng mga CCTV camera ay natukoy ang pagkakakilan ng suspek at naaresto sa bahay nito sa Rosario, Batangas.

Maayos umanong sumama sa mga pulis ang suspek.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek pero sinabi nito na natakot siya kaya agad umalis sa pinangyarihan ng insidente.

Desidido naman ang pamilya ng biktima na ituloy ang kaso laban sa suspek.-- FRJ, GMA Integrated News