Nadakip na ng mga awtoridad ang isang lalaki na suspek sa pagpatay at hinihinalang panggahasa sa isang 27-anyos na saleslady sa Cebu City. Ang suspek, pumasok umano sa bahay habang naliligo ang biktima.
Sa ulat ni Decemay Padilla sa GM Regional TV News nitong Martes, inihayag ng Cebu City Police Office (CCPO), na inamin umano ng suspek na tinukoy bilang si “Darren,” na sinakal niya ang biktima na si Charina Relativo sa loob ng inuupahang kuwarto ng saleslady noong Biyernes ng umaga.
Naiwan mag-isa ang biktima sa bahay matapos umalis na ang kaniyang live-in partner para pumasok sa trabaho.
Nadiskubre ang bangkay ng biktima na walang saplot at bahagyang nasunog ang ulo nang papuntahan ng live-in partner sa kakilala ang kanilang inuupahang kuwarto matapos na hindi sumagot sa kaniyang tawag ang biktima bago magtanghali upang pumasok sa trabaho.
Ayon kay Police Colonel Antonietto Cañete, acting city director ng CCPO, dakong 7:00 am nang pasukin umano ng suspek ang biktima na naliligo noon sa banyo.
Nanlaban umano ang biktima at dito na siya sinakal ng suspek hanggang sa mawalan na nang malay.
Tinangka umano ng suspek na sunugin ang bahay para pagtakpan ang kaniyang ginawang krimen.
"Allegedly nanlaban(ang biktima), that is why [it] resulted to the instantaneous death because he exerted effort to make her silent,” sabi ni Cañete.
Hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya sa labi ng biktima para alamin kung ginahasa ito ng suspek.
“There is no evidence to show it, very vital is the release of the report of the crime laboratory, the official report of course, what is their observation and findings whether or not there was a rape or not…we are still waiting,” sabi ng opisyal.
Nahaharap sa kasong murder ang suspek na dati nang kinasuhan sa kasong illegal possession of firearms.-- FRJ, GMA Integrated News