Isang lalaki na may Chronic Kidney Disease (CKD) at papunta sana sa ospital para magpa-dialysis sakay ng motorsiklo ang nasawi nang makasagasa ng aso na biglang tumawid sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Alfredo Sarmiento, 52-anyos, na kaagad na nasawi matapos maaksidente sa Barangay Doyong.

Ayon sa pulisya, papunta sana sa ospital si Sarmiento sakay ng minamaneho niyang motorsiklo nang makasagasa siya ng aso na biglang tumawid sa kalsada nitong Huwebes ng madaling araw.

“Nabangga niya ang aso. Malakas ang impact, at the same time, hindi siya nakasuot ng helmet kaya nabagok ang ulo niya,” ayon kay Police Lieutenant Colones Ferdinand Lopez, officer-in-charge ng Calasiao Police Station.

Nasawi rin ang aso.

Labis ang hinanakit ng mga kaanak ng biktima dahil sa ganoong paraan ito ng nasawi at hindi sa kaniyang sakit.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng aso.

“‘Yung may-ari, hindi namin ma-locate. HIndi tagarito ‘yung aso sa barangay kasi wala namang nag-report na may nawawalang aso,” ayon kay Henry Ferrer, chairman ng Barangay Doyong.--FRJ, GMA Integrated News