Isang babaeng senior citizen ang pinagsasaksak sa Pidigan, Abra matapos hindi raw magpautang, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Batay sa imbestigasyon, nagtungo ang isang babae sa bahay ng senior citizen para mangutang ng P2,000 pero wala raw naibigay ang matanda.

Makalipas ang ilang oras ay bumalik daw ang babae at niyaya ang matanda na umakyat ng burol. Doon na raw pinagsasaksak ang biktima gamit ang kutsilyo.

Nagpapagaling na ngayon sa ospital ang biktima. Nagtamo siya ng walong saksak sa katawan. 

Naaresto na ang suspek na nahaharap sa reklamong frustrated murder. —KBK, GMA Integrated News