Nasawi ang isang traffic enforcer makaraang sagasaan umano ng bus driver na kaniyang sinita nitong Miyerkules sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera na pumihit pakanan ang bus at huminto.

Doon na nakita ang nakahandusay na  katawan ng biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing pinapahinto ng traffic enforcer ang driver ng bus dahil sa paglabag sa “no loading” policy.

Sinubukan pa umano ng driver ng bus na tumakas pero naaresto pa rin siya matapos ang habulan.

Sa hiwalay na ulat sa GMA News Saksi, nagluluksa naman ang Dasmariñas City Traffic Management Unit sa sinapit ng kanilang kasamahan.

“Wala naman siyang ginawang mali. Ginagawa niya lang trabaho namin. Bakit ginanyan niya na parang aso lang yung kasamahan namin. May mga naiwan siyang mga anak na maliliit pa lang. Paano na lang yung pamilyang naiwan niya?” ayon kay traffic enforcer Alvin Vio. --FRJ, GMA Integrated News