Nasawi ang magpinsan nang maaksidente habang sakay ng motorsiklo sa Aguilar, Pangasinan. Ang trahediya, nadaanan pa ng misis ng isa sa mga biktima pero hindi niya alam na ang mister pala niya ang isa sa mga nakahandusay sa kalsada.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na sina Ricky Guillermo, 42-anyos, at Loreto Guillermo, 43.

Ayon kay Erlinda, na asawa ni Loreto, nadaanan pa niya sa nangyaring sakuna sa Barangay Niñoy.

"Diyos ko may nadisgrasya sa Niñoy. Kawawa naman yung mga nadisgrasya sabi ko, Ibinalita ko pa nga sa anak ko," ani Erlina. "Sila na pala 'yon. Kung alam ko lang hinintuan namin."

Kapuwa nagtamo ng matinding sugat sa ulo at katawan ang mga biktima na walang suot na helmet.

Galing umano sa Barangay Bocacliw ang dalawa at nagtungo sa Niñoy para bumisita sa kaanak nang mangyari ang trahediya.

Ayon sa pulisya, batay sa pahayag ng ilang testigo, medyo mabilis ang takbo ng motorsiko ng mga biktima. Parang may naamoy din umanong alak ang first responder o imbestigador.

Pero itinanggi ng anak ni Ricky at maging ni Erlinda na nakainom ang magpinsan nang mangyari ang insidente.

"Kumain pa po kami noon, hindi po sila nakainom," sabi ni Jerry, anak ni Ricky, na labis na ikinalulungkot ang nangyari sa ama at kaanak nila. --FRJ, GMA Integrated