Nauwi sa trahediya ang larong paghuli ng itik sa dagat nang tamaan ng propeller ng bangka at mamatay ang isang lalaking kalahok sa Laua-an, Antique.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, makikita na kasama ang biktimang si "Hanz," sa ilang kalalakihan na sabay-sabay na lumusong sa dagat sa Barangay Bagongbayan para hulihin ang itik.
Nangyari ang trahediya noong Lunes na bahagi ng Pamalaran Festival.
Pero habang lumalangoy si Hanz, isang matulin na bangkang de-motor ang dumating, at tinamaan ng elise sa leeg at katawan ang biktima na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Ayon sa 31-anyos na na si "Mark," hindi umano niya nakita na may tao sa kaniyang dadanan.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagsasanay umano noon si Mark para sa sasalihan namang karera ng bangka.
Inaresto si Mark at posibleng maharap sa reklamo kaugnay sa sinapit ng biktima.-- FRJ, GMA Integrated News