Aabot sa 11 indibidwal ang inaresto sa Sorsogon City dahil sa panghaharang umano sa mga motorista para bentahan ng sabon, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.
Ayon sa isang opisyal ng lungsod, may nagreklamo sa kanila kaugnay sa modus ng grupo.
Ang sistema raw ng grupo ay paparahin ng isa sa kanila ang motorista, at kapag huminto ito ay dudumugin ng grupo at bobolahin para bumili ng sabong panlaba.
Napag-alamang walang permit ang grupo para magbenta at wala ring dokumento ang kanilang produkto.
Nahaharap ang grupo sa reklamong swindling habang tiniketan naman ang driver ng van na kanilang ginagamit.
Hindi nagbigay ng pahayag ang grupo. —KBK, GMA Integrated News