Isang 28-anyos na doktora ang malubhang nasugatan matapos siyang pagbabarilin ng mga salarin habang nagmamaneho ng kaniyang kotse sa Maguindanao Del Sur. Kahit sugatan, nagawa pa rin ng biktima na makalayo pero may nabangga siyang tricycle na may mga pasahero.
Sa ulat ni Jestoni Jumamil sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Sharmaine Barroquillo, duktor sa provincial hospital ng Sultan Kudarat, at residente ng Polomonok, South Cotabato.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na tinatahak ng biktima ang national highway sa bahagi ng Barangay Digal sa bayan ng Buluan nitong Sabado ng gabi, nang mag-overtake sa kaniya ang mga salarin na nakasakay sa motorsiklo at pinagbabaril siya.
Kahit sugatan, nagawa ng biktima na patuloy na makapagmaneho palayo sa mga salarin. Pero nabangga niya ang isang tricycle na may tatlong nakasakay, at isang bahay.
Dinala ng mga saksi ang doktora sa ospital, gayundin ang mga sakay ng tricycle na nasugatan din sa nangyaring pagkakabangga sa kanila.
Patuloy na tintugis ng pulisya ang mga salarin at inaalam ang motibo sa krimen.
Kinondena naman ni Sultan Kudarat Governor Datu Pax Ali Sangki Mangudadatu, ang pananambang kay Barroquillo at nag-alok ng P1 milyon na pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang mga salarin.-- FRJ, GMA Integrated News