Patay ang 23-anyos na driver ng kotse nang bumangga siya sa kasalubong na pampasaherong jeepney sa Iloilo City nitong Linggo ng madaling araw.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Benigno Aquino Avenue sa Mandurriao, Iloilo City.

Batay sa salaysay ng mga saksi, sinabi Mandurriao Police na mabilis umano ang takbo ng kotse at napunta sa linya ng kasalubong jeep kaya nangyari ang banggaan.

“Nagkasalubong lang sila. Base kasi sa witness, ang kotse (ang) mabilis talaga ang takbo. Dahil naman sa impact, na-crumple nga ang kotse ?t naipit ang driver,” ayon kay Police Master Sergeant Carl Petalco, traffic investigator ng Mandurrioa Police Station.

Sa lakas ng salpukan, naipit sa loob ng nawasak na kotse ang biktima. Pumanaw siya ilang oras matapos na maisugod sa ospital dahil sa matinding pinsala na tinamo sa ulo at katawan.

Sugatan din ang driver ng jeepney na posible namang hindi na sampahan ng reklamo dahil wala itong kasalanan sa nangyari.-- FRJ, GMA Integrated News