Pinagbabaril sa loob ng kaniyang sasakyan ang isang negosyanteng babae sa Sto. Tomas City, Batangas nitong Linggo ng hapon. Ang mga salarin na sakay ng motorsiklo, nakatakas.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing pauwi na ang 44-anyos na biktima nang mangyari ang krimen dakong 1:00 pm sa Barangay San Miguel nitong Linggo.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rodel Ban-o, hepe ng Sto Tomas Cty Police, pauwi na ang biktima na siya mismo ang nagmamaneho ng sasakyan nang bigla siyang tapatan ng mga salarin at pagbabarilin.
Nagtamo rin ng tama ng bala sa binti ang kasama ng biktima.
Ayon kay Ban-o, kabilang sa mga anggulong tinitingnan na motibo sa krimen ang negosyong pautang ng biktima.
"Bago po nangyari ang insidente, mayroon pa pong pinuntahan na isang lugar sa Brgy. San Jose kung saan yung pinuntahan po nila 'yon yung ibinebenta ng isa sa mga nagkakautang sa kaniya na kaniyang nireremata na po. Kinukuha na niya yung property doon sa pagkakautang nung isa sa persons of interest na natin," sabi ni Ban-o.
Susuriin ng mga awtoridad ang mga CCTV camera sa lugar na posibleng nakakuha sa mga salarin. Sinusubukan pang makuha ang panig ng pamilya ng biktima, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News