Patay na at makalublob sa sapa nang matagpuan ang bangkay ng isang 21-anyos na babae sa Pinamungajan, Cebu nitong Lunes. Ang suspek sa krimen, ang 18-anyos na kamag-anak mismo ng biktima.
Sa ulat ni Allan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nakita ang bangkay ng biktimang si Jocelyn Samillon nitong Lunes bago magtanghali sa Barangay Camugao.
Nadakip naman kinalaunan ang suspek, na ayon sa pulisya ay umamin sa krimen na si Jimboy Pasacan, na kapitbahay at kamag-anak ng pamilya ng biktima.
Ayon kay Police Major Gilfred Baroman ng Pinamungajan Police Station, may nakitang galos at marka sa leeg ng biktima.
Batay sa imbestigasyon, nagpunta ang dalawa sa outdoor disco sa kalapit na barangay na Anopog, noong Linggo ng gabi na nagdaraos ng kapistahan.
Pero hindi na nakauwi ang biktima hanggang sa makita ang kaniyang bangkay sa sapa.
Inamin umano ng suspek sa mga awtoridad na sinuntok niya ang biktima na dahilan para mawalan ng malay at kaniyang sinakal.
Isasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng biktima para alamin kung ginahasa ito ng suspek.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare, spokesperson ng Region Director PRO-7, gumamit ng dahas ang suspek nang hindi niya makuha ang gusto sa biktima.
Labis ang hinanakit ng ina ng biktima at nais niyang mabulok sa bilangguan ang suspek na kanilang pinagkatiwalaan.--FRJ, GMA Integrated News