Sinamantala ng scammer ang paghahanap ng isang guro sa nawawala niyang alagang aso para makuhanan ng pera sa Daet, Camarines Norte. Kaya naman nagpaalala ang awtoridad sa publiko na mag-ingat sa mga manloloko online.
Sa ulat ni Rosie Nieva sa GMA News Regional TV Balitang Bicolandia, sinabing nag-post sa social media ang guro upang humingi ng tulong sa netizens upang mahanap ang nawawala niyang Siberian Husky.
Hanggang sa nakatanggap ng mensahe ang fur parent mula sa nagpakilalang pulis na nakita umano niya ang aso.
Ayon sa scammer, nasa kapuwa niya pulis ang aso, at humingi ito ng pera sa biktima para sa mga gastusin para maihatid ang aso.
In good faith, nagpadala naman ng pera ang guro sa pamamagitan ng e-wallet na umabot sa P800. Pero nagduda na ang biktima nang bilang humingi pa ulit ng pera ang nagpakilalang pulis.
Kasunod nito ay hindi na nakontak ng guro ang lalaki.
Kaya naman nagpaalala ang Camarines Norte Provincial Cyber Response Unit sa publiko laban sa mga scammer.
Ipinaalala rin ng awtoridad na mayroong batas laban sa cybercrime. Kasabay nito, pinayuhan din ang mga may mapupulot na bagay, maging ang mga alagang hayop na ibalik sa kinauukulan o sa tamang tanggapan.
"Mas maganda na isosoli nila yung bagay na kanilang nakuha sa mga agency o mga law enforcement agency na puwedeng makatulong, para mas mabilis na ma-locate yung tunay na may-ari," sabi ni Police Executive Master Sergeant, investigator ng Provincial Cyber Response Unit. -- FRJ, GMA Integrated News