Naipit ang paa ng isang propsman nang matumba ang LED wall sa stage ng Cebu City Sports Center na pagdarausan ng Sinulog sa Kabataan sa Dakbayan sa Enero 13.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing maayos na ang kalagayan ng biktima na propsman ng isa sa mga grupong kasali sa “Sinulog sa Kabataan sa Dakbayan."
Nangyari ang insidente nang bumigay ang scaffolding kung saan nakakabit ang LED wall.
Kaagad umanong inalalayan ng emergency response team ang nasaktan na propsman.
Wala namang nais sisihin sa nangyari si Red Oliveros, head choreographer ng grupong kasali sa “Sinulog sa Kabataan sa Dakbayan” na mula sa Barangay Banilad.
Naniniwala siya na ang malakas na hangin ang dahilan kaya natumba ang LED wall. Gayunman, umaasa siyang hindi na mauulit ang insidente.
Nagpapasalamat din si Oliveros na nakababa na sa stage ang ibang nagsasanay nang bumigay ang LED wall.
Samantala, sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang Sinulog Foundation.
Ang “Sinulog sa Kabataan sa Dakbayan” ay isa sa mga paunang aktibidad para sa Sinulog festival.-- FRJ, GMA Integrated News