Pinagnakawan at pinatay pa ang isang mag-asawa sa Santo Tomas, Pampanga. Ang suspek sa krimen, ang kanilang pamangkin na bagong laya lang umano sa kulungan.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina Rolando David, 76-anyos at misis niyang si Rosario, 66, residente ng Barangay San Vicente.

Nadakip naman kinalaunan ang suspek na si Raymond Fernando, 48, na naka-droga umano nang gawin ang krimen.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Police Captain Jester Calis, hepe ng Santo Tomas Police Station, na tinangka ni Rolando na lumaban sa suspek pero sinaksak ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Samantala, pinatay naman sa pamamagitan ng sakal si Rosario.

“’Yung victim nating lalaki, allegedly nakipaglaban pa sa suspek. ‘Yung initial findings ng SOCO, namatay siya sa stab wounds. ‘Yung babae naman sa kuwarto, namatay siya sa strangulation," ayon kay Calis.

May nawawala umanong mga gamit sa bahay ng mga biktima kabilang ang mga alahas.

Naging suspek sa krimen si Fernando na kalalaya lang sa kulungan dahil sa kasong ilegal na droga, at may nakapagbigay ng impormasyon na dati nang nanakawan ang mag-asawa.

Nang puntahan nila ang suspek, sinabi ni Calis na may nakitang mga alahas at pera na dala nito.

"Pinuntahan namin ‘yun, pinataas namin ‘yung damit niya kasi may nakaumbok doon sa may tagiliran niya, [tapos] nakita naming may pera at alahas. ‘Yun, nagduda na kami na ‘yung alahas na ‘yon ay sa victim,” ani Calis.

Ayon sa pulisya, sinabi umano ng suspek na idinahilan nito na kailangan niya ng pera.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima na desididong kasuhan ang suspek.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang suspek, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News