Isang Pinoy ang nagkampeon sa "The Voice USA" na si Sofronio Vasquez, na dati ring sumabak sa "Tawag ng Tanghalan" na singing contest ng "It's Showtime."

Ibinahagi ng NBC sa social media post nitong Miyerkoles (Manila time) ng pagkapanalo ni Vasquez na kauna-unahang Asyano at Pinoy na nanalo sa "The Voice USA."

Sa finals ng kompetisyon, inawit ni Vasquez ang "Unstoppable" ni Sia at "A Million Dreams" mula sa "The Greatest Showman."

Si Michael Bublé ang naging coach ni Sofronio sa naturang singing contest. Matapos itanghal na kampeon, magkasamang inawit ng dalawa sa stage ang "Who's Lovin' You."

 

 

Kaagad naging trending topic sa X ang pagkapanalo ni Vasquez, at kabilang sa mga top trending topics sa Google Trends sa Pilipinas nitong Miyerkoles ng umaga.

Dating sumali at naging third place si Vasquez sa segment na "Tawag ng Tanghalan" ng "It's Showtime." 

Sa Facebook post ng The Voice USA, nagpasalamat si Vasquez sa kaniyang Pinoy fans, at sa lahat ng sumuporta sa kaniya.—FRJ, GMA Integrated News