Labis ang kalungkutan ng isang ama sa Mangaldan, Pangasinan nang masawi sa aksidente ang bunso niyang anak matapos bumangga ang minamanehong motorsiklo sa isa pang motorsiklo.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Jinky Cervas Jr., 21-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, galing umano sa inuman si Cervas Jr. at pauwi na nang mawalan ng kontrol sa minamaneho niyang motorsiklo sa bahagi ng Barangay Bari nitong Martes ng madaling araw.
Napunta ang motorsiklo ni Cervas Jr. sa kabilang bahagi ng kalsada at bumangga sa isa pang motorsiklo.
Dinala sa ospital ang mga sangkot sa insidente pero idineklarang dead on arrival si Cervas Jr.
Malubha naman ang kalagayan ng nakabanggaan niyang rider.
"Malungkot, masakit," pahayag ng nagluluksang si Cervas Sr. "Umalis siya na buhay na buhay tapos mababalitaan mo patay na."
Patuloy pa ang imbestigasyon ng awtoridad sa insidente, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News