Maaaring mag-aplay ang mga Pilipinong nais magtrabaho sa ilang bansa sa Europa na nangangailangan ng mga nurse, nursing assistants, at caregiver, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkoles, sinabing nakikipag-ugnayan sa Pilipinas ang mga bansang Croatia, Slovenia, Denmark sa Europe, maging ang Singapore, na nangangailangan ng mga Pinoy caregivers.

Sa Croatia, ang buwanang sahod at minimum wage ay nasa 800 euros, o halos P40,000 para sa walong oras na trabaho sa isang araw. Hindi pa kasama ang overtime pay at iba pang benepisyo.

Samantala, ang Denmark ay pumirma ng joint declaration of intent sa Pilipinas.

"With Denmark, may opportunities for nurses, nursing assistants at saka similar to caregivers pero ang maganda may posibilidad ng scholarship o pagpapa-aral,” ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Patricia Caunan.

Bukod sa mga nurse at caregiver, kailangan din ng Croatia ng 3,500 Filipino workers sa sektor ng hospitality at turismo.

Hintayin lang ang anunsyo ng DMW sa kanilang website para sa mga interesadong mag-aplay.

“Huwag ho kayong magbabayad ng P300,000 o P1 milyon para lang mag-abroad. Sinasabi ko na ho sa inyo ilegal 'yan 'pag ganyan 'yan,” paalala ni Caunan.

Sina Alpha at Trisia, matatapos na ang caregiving course sa mga susunod na linggo sa isang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-accredited school sa Quezon City.

Kailangan nilang matapos ang kurso para makakuha ng National Certificate II (NCII), na kailangan sa pag-a-aplay ng trabaho sa ibang bansa.

Kumukuha rin ng caregiving course ang asawa ni Alpha dahil plano nilang magrabaho sa abroad at kalaunan ay magsimula ng pamilya.

“For me, it’s better as (in) abroad, and money-wise and culture-wise, mas better sa akin in the long run,” paliwanag ni Alpha.

May caregiving job naman na naghihintay kay Trisia sa United Kingdom sa tulong ng kaniyang ina na nandoon din kaya kailangan niyang kunin ang kurso.

“Since meron na po akong background or idea, na enhance siya dito,” paliwanag niya. —mula sa ulat ni Mariel Celine Serquiña/FRJ, GMA Integrated News