Halos walang saplot at tila pinahirapan ang isang bangkay na natagpuan na mukhang dayuhan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) nitong Martes ng umaga sa bahagi ng Porac, Pampanga.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing walang saksak o tama ng bala ang biktima pero mayroon itong mga sugat at pasa sa katawan.
"Foreigner looking, pero we cannot conclude kung ano talaga yung nationality," ayon kay Porac Police Chief Lieutenant Palmyra Guardaya.
"May mga wounds siya, may mga pasa. Yung iba halos nangingitim na, ibig sabihin matagal na. Tapos yung iba, mapula-pula pa. Sariwa pa ibig sabihin mga bago pa. Tingin ko bago siya pinatay, talagang napahirapan muna siya," sabi naman ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director, Undersecretary Gilbert Cruz.
Noong Nobyembre 1, isang bangkay din na mukhang dayuhan ang natagpuan sa Mexico City, Pampanga na may tama ng bala ng baril sa ulo.
Hanggang ngayon, hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan nito.
Nitong Martes, isang Chinese na dating Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) worker ang nakaligtas sa pamamaril kahit nagtamo ng walong tama ng bala sa Porac.
Nagpapagaling pa ang biktima na umano'y biktima ng kidnapping ng mga kapuwa niya Chinese din.
Sa tulong ng interpreter, nakapagbigay ng pahayag ang biktima at sinabi nito na nag-apply siya ng trabaho na nakita niya Facebook.
Sinundo umano siya sa Pasay at isinakay papunta sa Clark para umano sa medical exam. Pero nagulat siya nang tutukan na siya ng baril at sabihin na ipatutubos siya sa kaniyang mga kamag-anak.
"The kidnappers asked for a ransom of 200,000 yuan, which is equivalent to P1.5-1.6 million. After they have confirmed everything, meaning to say they are quite sure these victims cannot pay up the ransom. They wait until midnight, 3 a.m., they bring him to the forest area to shoot him," ayon sa interpreter.
Sinabi umano ng biktima na may mga nakasama siya na sa posibleng mga patay na umano.
Nitong Lunes, dalawang babaeng Chinese na biktima rin ng kidnapping ang nasagip naman sa Mabalacat, Pampanga.
Dahil sa mga nangyayari, nababahala na si Cruz.
"Nakakaalarma na rin kasi. Kala kasi natin ano lang 'to... mga kidnapping na pinatutubos, now patayan na yung ginagawa nila e," ayon kay Cruz.--FRJ, GMA Integrated News