Patay ang isang rider matapos araruhin ng isang SUV na minamaneho ng isang Korean national sa Cebu City. Tatlong nagbibisikleta rin ang nasaktan, at isang sasakyan din ang nabangga pa ng suspek.

Sa ulat ng GMA Regional TV Live nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Sabado ng umaga sa Barangay Mabolo, Cebu City.

Nasawi ang rider ng motorsiklo na si Jomarie Bernas, 25-anyos, residente sa nasabing barangay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na mabilis umano ang takbo ng SUV na unang nabangga ang isang sasakyan pero hindi tumigil hanggang sa mahagip nito ang motorsiklo ni Bernas.

Nagpatuloy pa rin umano ang arangkada ng SUV at nahagip naman ang tatlong nagbibisikleta.

Tumigil ang SUV nang bumangga na ito sa isang poste sa center island.

Kasamang dinala sa pagamutan ang dayuhang driver ng SUV. --FRJ, GMA Integrated News