Patay sa pamamaril ng riding-in-tandem ang isang 51-anyos na lalaki na bibili umano ng pasalubong na pagkain para sa mga anak sa Balayan, Batangas.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Eduardo San Buenaventura Jr., na residente sa nasabing lungsod.
Humandusay sa gilid ng daan ang biktima dakong 4:00 pm sa Barangay Ermita Calsada. Ayon sa pulisya, pauwi na ang biktima mula sa trabaho, at bumaba ito sa kaniyang motorsiklo para bumili ng pagkain na pasalubong sa mga anak.
"Umikot siya sa rotunda kasi bibili siyang pizza para dadalhin sa mga anak daw niya. Bumaba na siya ng motor, nakasunod na sa kaniya yung gunman na nakasakay din ng motor. Doon na po siya pinagbabaril," ayon kay Police Major Domingo Ballesteros Jr., hepe ng Balayan Police Station.
Tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungo sa lungsod ng Calaca.
Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang 11 basyo ng bala at pitong depormadong bala na mula sa kalibre .45 na baril.
Sinusubukan pa makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.
Kabilang naman sa mga anggulong tinitingnan ng mga awtoridad ang posibleng may kinalaman sa trabaho at pagkakasangkot sa babae.
Hinikayat din ni Ballesteros ang publiko na maging alisto at ipagbigay-alam sa kanila kapag may napansin na tao na kahina-hinala ang kilos at nakatambay para mapuntahan nila. --FRJ, GMA Integrated News