Inihayag ng lalaking itinuturong nagbenta ng cellphone ng biktimang si Rhea Mae Tocmo, na handa siyang tumestigo laban sa isa pang suspek na umano'y nag-utos sa kaniya na ibenta ang naturang gamit ng 19-anyos na dalaga na pinatay at isinilid sa karton ang bangkay sa Cebu City.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Simeon Gabutero, at iginiit na nakita niya ang biktima na kasama isa pang naarestong suspek na si Roberto Gabison, alias “Insik.”
Sinabi ni Gabutero na umaga noong July 16 nang makita niya si Gabison na naiinis at nakalagay ang braso sa leeg ng isang babae na tila iniipit.
Ayon pa sa kaniya, umiiyak na umano ang babae at saka umalis ang dalawa.
Bago magtanghalian sa nasabi ring araw, nagkita umano silang muli ni Gabison sa Banawa, at nagpapabenta ng cellphone.
Naibenta umano niya ang cellphone sa halagang P1,700, at binigyan umano siya ni Gabison ng P500.00.
Sabi pa ni Gabutero, nang mabalitaan niya ang nakitang patay na babae na nasa karton sa Barangay Tisa sa sumunod na araw, napansin niya ang pagkakatulad ng damit ng biktima sa kasamang babae ni Gabison.
Hindi rin umano siya magkakamali sa mukha ni Gabison na nakita sa CCTV footage dahil sa palatandaan nito sa mukha at dati na niya itong kakilala.
Nauna nang itinanggi ni Gabison na may kinalaman siya sa pagpatay kay Tocmo, at sinabing hindi niya ito kakilala.—FRJ, GMA Integrated News