Natabunan ng lupa mula sa gumuhong bahagi ng bundok sa Bangued, Abra ang nasa 30 bahay noong kasagsagan ng bagyong "Egay."
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabi ng mga residente ng Barangay Bañacao na nagkaroon ng bitak ang bahagi ng bundok na posibleng dahilan kaya ito gumuho.
Pinasok din ng baha ang mga bahay, at nadamay din ang ilang sasakyan nang umapaw ang tubig sa sapa dahil sa bagyo.
Nabigyan na umano ng tulong ng Department of Social Welfare and Development ang mga nasalanta.
Samantala, nalunod naman sa Abra river ang isang tricycle driver matapos nitong itawid ang mga alagang baka sa kabilang bahagi ng ilog noong Biyernes.
Ayon sa asawa nito ng biktima, hindi na nakauwi pa ang kaniyang mister.
Nakita ang katawan ng biktima na lumulutang sa dagat sa bahagi na ng Santa, Ilocos Sur.
Sa Malibcong, Abra, nagtulong-tulong ang mga tauhan ng Philippine Red Cross at Bureau of Fire Protection na matanggal sa pagkakaipit sa landslide ang isang biktima para madala sa ospital. -- FRJ, GMA Integrated News