Itinuturing suspek ng mga awtoridad ang isa sa dalawang matandang amo kaugnay sa natagpuang bangkay ng kanilang kasambahay na nakalagay sa drum sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kakasuhan din ng obstruction of justice ang babaeng amo ng biktimang si Maribel Vilma Bacsa.
Ayon sa pulisya, tinangka umano ng amo na pigilin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kasunod ng pagkawala ng biktima.
Bukod sa hindi raw kaagad pinapasok ng amo ang mga awtoridad sa bahay nito, sinabihan pa umano ng suspek na patay na hayop lang ang masangsang na amoy na naggagaling sa bakuran.
Bukod sa babaeng amo na itinuturing suspek, bed-ridden naman ang asawa nito kaya isinailalim sila sa hospital arrest.
Una rito, natagpuan ang bangkay ng biktima na nasa loob ng pinagdikit na drum sa bakuran ng kaniyang amo.
Bago nito, ilang araw nang hinahanap ang biktima matapos hindi makauwi mula nang pumasok sa trabaho sa mag-asawa na kaniyang inaalagaan noong nakaraang linggo.--FRJ, GMA Integrated News