Matinding perwisyo ang dulot sa mga magsasaka ng mga golden kuhol na halos ubusin na ang tangkay ng kanilang mga palay sa Vintar, Ilocos Norte.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing sobrang dami ng mga golden kuhol, kaya hirap ang mga magsasaka na puksain ang mga ito dahil sa bilis nitong mangitlog.
Matiyagang pinupulot ng mga magsasaka ang mga kuhol para patayin, kaysa gamitan ng pesticide na dagdag-gastos sa kanilang pagtatanim.
Sinang-ayunan ito ng Agricultural Office ng Vintar, na sinabing kailangang patuyuin ang palayan para madaling makuha ang mga kuhol.
Bukod dito, nagpayo ang Agricultural Office sa mga magsasaka na maglagay ng dahon ng saging sa taniman para doon mangitlog ang mga kuhol.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News