Doble ang hinagpis ng mga kaanak ng isang yumaong lalaki matapos alisin ang bangkay nito mula sa loob ng ataul at ibinagsak sa sahig ng lasing umano nilang kapitbahay sa Nueva Vizcaya.
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita ang bangkay ng namayapang si Gonzalo Espinoza na nasa sahig ng isang bahay sa Barangay Tuao North sa bayan ng Bagabag.
Napag-tripan umano ang bangkay ng lasing na kapitbahay na kinilalang si Teofilo Sanorias.
Ayon kay Julita Espinoza-Nale, bigla na lang pumasok sa bahay si Sanorias habang pinaglalamayan ang kaniyang kapatid.
Binuksan umano ni Sanorias ang ataul, binuhat ang bangkay ni Espinoza at saka ibinagsak sa sahig.
“Lumapit siya doon sa bangkay, binuksan na niya, kinuyog-kuyog niya ‘yung bangkay saka niya binuksan. Akala namin kung ano lang ang gagawin niya hanggang sa hindi pa yata nakontento,” sabi ni Nale.
Ayon kay Vanj Basilio, kaanak ng yumao, ang mga taga-punerarya ang nagbalik sa bangkay sa ataul
"Kawawa na nga siya, dinoble pa,” hinanakit ni Basilio.
Sinabi ng pulisya na nadakip nila si Sanorias ilang minuto matapos mangyari ang panggugulo sa lamay.
Gayunman, hindi na raw itinuloy ng mga kaanak ng yumao ang pagsasampa ng reklamo laban sa suspek.
“Nag-inom doon mismo sa lamay itong suspek kasi nga kapitbahay. Lasing hanggang umaga. Hinila pataas ang bangkay, binuhat at saka ibinagsak sa sahig," sabi ni Police Major Jolly Villar, hepe ng Bagabag Police Station.
Pinuntahan ng GMA Regional TV One North Central Luzon ang tahanan ni Sanorias pero wala siya roon at ang anak nito na si George ang nagbigay ng pahayag na nabigla rin umano sa pangyayari.
“Nag-sorry siya doon kasi hindi naman niya akalain na magagawa ng tatay ko 'yun pero humingi siya ng tawad doon,” sabi ni George. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News