Aksidenteng nabaril ng isang lalaking walong-taong-gulang ang kaniyang kalaro na 12-anyos sa Patalon, Zamboanga City.
Sa ulat ni Sara Hilomen-Velasco sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Biyernes, sinabing isinugod sa ospital dahil sa tinamong tama ng bala sa balikat mula sa kalibre .45 na baril ang biktima.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Labuan Police Station 10 chief Major Ramon Acquitan, nangyari ang insidente nang maglabas ng baril ang suspek habang nakikipagkuwentuhan sa biktima at dalawa pang bata.
“Nang tinanggal niya ang magazine [pinaglalagyan ng mga bala], siguro inisip niya na walang nakasalang na bala yung .45 [baril]. Itinutok niya sa kaniyang mga kalaro kumbaga naglalaro sila, bigla, accidentally nakalabit niya ang gatilyo at tinamaan 'yung kaniyang kaharap na kaibigan,” sabi ni Acquitan.
Umalis umano ang biktima matapos ang pangyayari pero bumalik din kinagabihan. Itinuro niya sa mga awtoridad kung saan niya inilagay ang baril.
Lumilitaw na pag-aari ng ama ng suspek ang baril na nagtatrabaho bilang caretaker ng lupain.
Isasailalim sa ballistic test ang baril.
Paalala naman ni Acquitan sa mga magulang, “Dapat talaga nakasubaybay ang mga magulang, nakasalalay sa kanila yung kaligtasan at ang kapakanan ng kanilang mga anak.” -- FRJ, GMA Integrated News