Nagsampa ng kaso ang pulisya laban sa tatlong tao na nasa likod umano ng pagpatay kay Adrian Rovic Fornillos, na kalahok sa Mister Cagayan de Oro 2023. Sa imbestigasyon ng pulisya, crime of passion o obession ang lumalabas na motibo sa krimen.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Biyernes, sinabing kabilang sa mga kinasuhan sa piskalya ang sinasabing utak sa krimen at ang bumaril sa biktima.
Ayon kay Cagayan de Oro City Police Office (Cocpo) spokesperson Lt. Col. Evan Viñas, crime of passion o obsession ang motibo sa krimen dahil ayaw ng isa sa mga suspek na mapunta ang biktima sa iba.
Matatandaan na papunta si Fornillos sa isang bahay para magsanay sa gaganaping pageant nang bigla siyang lapitan ng mga salarin at binaril sa ulo.
"As per statement sa station commander ug sa investigator on case, this is a crime of passion o obsession. Nahimo sa suspetsado ang maong krimen kay obsessed ug dili siya gusto nga mapunta sa laing nilalang ang usa pud ka babae," ayon kay Viñas. --FRJ, GMA Integrated News