Nahuli-cam ang panglilimas ng mga gamit ng lalaking nanloob sa isang paaralan sa Zamboanga City.
Sa kuha ng CCTV, kita ang pagpasok ng isang lalaki sa bakuran ng Barangay Boalan Elementary School ng nasabing lungsod, bandang alas-dos ng madaling araw noong Miyerkoles.
Makalipas ang 30 minuto, lumabas ang suspek sa paaralan at may bitbit na mga gamit. Tumawid siya sa kabilang kalsada upang maghintay ng masasakyan.
Kinabulasan, nakita ng mga guro na sira ang padlock at pinto ng tatlong Grade V classrooms.
Nawawala ang laptop, netbook, dalawang printer, tatlong speakers, laminator at projector ng teachers' club.
Nawawala rin ang perang kontribusyon ng mga estudyante.
Nakita sa bakuran ng paaralan ang isang printer at netbook na tila iniwan ng magnanakaw.
Tinatayang nasa P200,000 ang halaga ng mga tinangay na gamit.
Hawak na ng pulisya ang kuha ng CCTV para sa imbestigasyon ng pagnanakaw. —LBG, GMA Integrated News