Imbis na motorsiklo, ambulansya ang ginamit ng isang suspek sa isang ambush attack sa Marawi City sa Lanao del Sur.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa “24 Oras” nitong Huwebes, nakuha sa isang CCTV footage ang insidente kung saan makikitang tumigil sa isang gilid ng kalsada ang ambulansya. Sumilip ang drayber nito sa bintana bago binaril ang isang lalaki at agad na tumakas.
Madali namang na-trace ang sasakyan dahil sa tatak nito.
Ayon sa pulisya, pagmamay-ari raw ito ng bayan ng Ganassi at minamaneho ng suspek na si Ansary Marohombsar, isang dating konsehal ng munisipyo.
Kasalukuyang pinaghahahanap ng mga otoridad ang suspek.
"Allegedly 'yung suspek is team leader ng MDRRMO [Municipal Disaster Risk Reduction Management Office] ng Ganassi Municipality kaya may access talaga siya sa ambulansya,” sabi ni Marawi City Police Station Chief Lieutenant Colonel Gieson Baniaga.
Kinilala naman ni Baniaga ang biktima na si Joseph Alindo Saragena ngunit sinabing hindi raw ito ang target ng biktima kundi ang katabi nito na lalaki. Nadamay lamang daw si Saragena.
“There was this initial report na ang nangyaring insidente kahapon ay parang personal grudge. ‘Yun nga kanina sinabi ko na may involving love triangle,” dagdag ni Baniaga.
Samantala, nasa kustodiya na ng pulis ang ambulansya matapos i-turn over ng municipal government ng Ganassi. Inabandona raw ito ng suspek matapos ang pamamaril. -- Sundy Locus/BAP, GMA Integrated News