Dinakip ng Bureau of Immigration ang isang Amerikano na nahuli-cam na pinagsusuntok ang isang delivery rider sa Cebu City.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, inaresto ng BI Intelligence Division ang 43-anyos na US national noong March 1 sa tinutuluyan nitong hotel sa Barangay Day-as, Zapatera.

Sinabi pa ni Tansingco na overstaying na sa bansa ang dayuhan mula pa noong Abril 7, 2022.

“He has no right to verbally and physically abuse a Filipino. His actions show that he is abusing the hospitality of our country. He should be deported for being an undesirable alien,” sabi ni Tansingco sa pahayag.

Idinagdag ng opisyal na ilalagay na ang naturang dayuhan sa BI’s blacklist at hindi na maaaring bumalik sa Pilipinas. — FRJ, GMA Integrated News