Hindi naging balakid ang rehas na bakal sa pagmamahalan ng isang person deprived of liberty (PDL) at kasintahan nito na ikinasal sa loob ng kulungan sa Rosario, Cavite.

Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, makikita ang ilang larawan ng palitan ng “I dos” nina Rosemarie Astor at nobyo niyang si Erwin, na natuloy kahit nakakulong si Erwin.

Kasama dapat ang magkasintahan sa kasalang bayan, pero hindi ito natuloy nang makulong si Erwin dahil sa hindi inaasahang pagkakataon.

“Wala naman tayong nakikita kahit papaano masamang intensyon du’n sa gagawin nila. ‘Yung tao naman hindi pa naman siya convicted until meron na siyang hatol ng sentensiya,” sabi ni Police Major Sandy Caparroso, hepe ng Rosario, Cavite Police Station.

Si Rose Marie, na naka-all white sa kanilang kasal, ang gumawa ng paraan at nag-asikaso ng kasal sa kulungan.

May plano na ang bride na mangibang bansa para magtrabaho kaya tinupad muna niya ang pangarap bilang mag-asawa.

“Pinursige ko po na maganap ‘yun kasi matagal na po namin ‘yun pinlano. Ang pumasok po sa isip kona ang dami na po naming pinagsamahan tapos nang dahil lang du’n sa pagkakataong nangyari sa kaniya parang mauudlot lahat,” sabi ni Astor.

Kaya naman nagsilbing witness sa kanilang kasal ang ilan pang persons deprived of liberty. Meron din silang ninong at ninang.

Ito ang unang pagkakataon na may ikinasal na inmate sa loob ng custodial facility. —LBG, GMA Integrated News