Binaril at napatay ng mga salaring sakay ng motorsiklo ang isang 37-anyos na lalaki sa Balayan, Batangas. Ang pulisya, love triangle ang nakikitang motibo sa krimen.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Sandy Ramos, isang meat shop helper, na tubong Lupi, Camarines Sur, at residente ng Barangay Carenahan sa Balayan.
Ayon sa pulisya, sakay ng isang motorsiklo ang dalawang suspek na papunta umano sa bahay ng biktima.
Sa daan pa lang, nakita na nila ang biktima na sakay ng motorsiklo at doon na nilapitan ang binaril sa ulo.
Bumulagta sa daan ang biktima, habang tumakas naman ang mga salarin.
Sa tulong ng mga saksi at kuha ng CCTV camera, natukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin na sina Zosimo Bascugin, 51-anyos, residente ng Barangay Putol, at si Jesus Napatutan, na siya umanong rider ng motorsiklo.
Nakuha umano sa mga suspek ang isang baril na kalibre .38, at ang motorsiklo na ginamit sa krimen.
Love triangle ang nakikita ng pulisya na motibo umano ni Bascugin para patayin si Santos.
"Accordingly daw po sa babae, pagka nalalasing daw dati nung nagsasama pa sila ng suspek ay tinutukan din siya ng baril," ayon kay Police Major Domingo Ballesteros, acting chief, Balayan Police Station.
Nahaharap sa kasong murder ang dalawang suspek. Nanawagan naman ang pulisya sa mga kaanak ni Santos sa Camarines Sur na makipag-ugnayan sa kanila.--FRJ, GMA Integrated News