Patay ang isang 79-anyos na lalaki matapos siyang barilin sa ulo ng salaring nakasakay sa motorsiklo habang may kausap sa cellphone sa gilid ng kalsada sa Mauban, Quezon.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Fernando Ibonia, residente ng Barangay Baao.
Sa imbestigasyon ng pulisya, malapitang binaril sa ulo ang biktima na kaagad na binawian ng buhay.
Mabilis namang tumakas ang salarin makaraang gawin ang krimen.
"Doon may signal [sa lugar] kaya nandoon siya. At 'yun pala ang ginagawa niya, doon siya napunta 'pag siya'y may tatawagan dahil sa kanila walang signal. Kaya naplano ito," ayon kay Police Major Rizaldy Merene, hepe ng Mauban Police Station.
Anggulong may kaugnay sa away sa lupa ang sinisilip ng pulisya na motibo sa krimen.
"Parang may nakuha silang lupa tapos yun pinaglalabanan pa nila sa korte," sabi pa ni Merene.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News