Natagpuan at hinuli sa Pulilan, Bulacan ang isang lalaking tatlong taon nang wanted nang masangkot sa pamamaril sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing dinakip ng mga tauhan ng MPD Special Mayor's Reaction Team (SMART) si Rene Boy Golias, na wanted sa mga kasong murder at attempted murder dahil sa pamamaril noong Disyembre 2019.

Ayon sa pulisya, nakikipag-inuman noon ang suspek sa Tondo, nang may mag-asawang lumapit sa kaniya at nagsabing tinutukan umano ng baril ang kanilang anak.

Pinuntahan ng suspek at ng kaniyang mga kasamahan ang tumutok umano ng baril na nagngangalang "Daboy." Sa kanilang komprontasyon, nabaril at napatay ng isang alyas "Gio" si "Daboy."

Iniabot sa suspek ang baril at binaril naman niya ang isa pang tao.

Agad nagtago si Golias matapos ang pamamaril, habang nadakip ang mga kasamahan niyang sina "Gio" at "Annalisa."

Ayon sa mga impormasyon sa Tondo, namatay na umano si Golias. Pero sa balidasyon ng pulisya, nalamang nagtago lang ang suspek sa Bulacan.

Bukod dito, active rin si Golias sa kaniyang Facebook account, kaya dalawang buwan siyang hinanap at minanmanan ng mga pulis bago nahuli Huwebes ng hapon.

Depensa ng suspek, may mga dala ring baril ang mga biktima kaya nagkaputukan. Nagtago lamang siya para sa kaniyang kaligtasan.

"Natakot po ako na mawala rin po kasi ang mga anak ko. Natakot ako na magantihan ako ng mga napatay namin," sabi ni Golias. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News