Nasawi ang isang 17-anyos na rider at kaniyang angkas nang matumba ang sinasakyan nilang motorsiklo nang mag-alangan umanong mag-ovetake sa sinusundang sasakyan at masalpok ng isang truck sa San Jose, Batangas.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahediya nitong Miyerkules ng hapon habang papauwi na ang mga biktima.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dumalas umano ang motorsiklo ng mga biktima nang mag-alangan daw ang rider sa gagawing pag-overtake sa sinusundang sasakyan.
"Nag-slide siya, nag-alangan siya sa manibela ng motor, nag-slide siya. So natumba, paparating yung truck doon sila nasalpok," ayon kay Police Major Hazel Suarez, hepe ng San Jose Police Station.
Sa lakas ng pagkakabangga, nasira ang helmet na suot ng rider, at kaagad na nasawi. Naisugod naman sa ospital ang kaniyang angkas pero binawian din ng buhay.
Ayon kay Suarez, wala umanong helmet ang angkas na biktima, at wala ring lisensya o student permit ang menor de edad na rider.
Nasa kostudiya naman ng pulisya ang driver ng truck na maghahatid sana ng produktong mga itlog nang mangyari ang sakuna.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng nasawi, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News